Tuesday, November 8, 2016

Roadtrip

Malabo. Malabo ang bintanang aking dinudungaw dito sa ating sinasakyan patungo sa kung saan. Tila umulan nang malakas at ang tanging nakikita ko lamang ay ang mga patak ng tubig-ulan sa bintana ng kotse mo. Saan nga ba tayo patungo? Hindi ko alam. 

Medyo matagal na rin tayong nagbbyahe at hanggang ngayon, hindi ko alam kung saan tayo pupunta. Kung meron nga ba tayong pupuntahan. Naka-ilang tigil na tayo, ngunit patuloy pa rin tayo sa paglalakbay. Titigil tayo saglit, magpapahinga, ngunit patuloy pa rin tayong bumabalik sa daan na tila paikot-ikot, madaming pasikot sikot, at pakiramdam ko ay paulit-ulit. Tila tayo ay naliligaw. 

Sa totoo lang, napapagod na ako sa paglalakbay na ito. Kahit nakaupo lang ako at ikaw ang nagmamaneho, nakakapagod rin pala. Napapagod na ako. Parang yung nararamdaman ko para sa'yo. 

Napapagod na ako. Napapagod na ako sa kakaisip kung saan mo ako dadalhin sa paglalakbay nating ito. Napapagod na ako sa pabago bagong direksyon, hindi ko alam kung saan liliko, kung aatras ba o aabante. 

Napapagod na ako. Napapagod na akong magpaliwanag sa mga tao kung ano tayo. Hindi naman tayo magkaibigan lang. Kaibigan mo nga lang ba ako sa kabila ng mga yakap na kay higpit na tila ayaw nang kumawala? Kaibigan mo nga lang ba ako sa kabila ng bawat pagdampi ng iyong mga labi sa aking labi? Kung sila ang tatanungin, hindi. Pero hindi rin naman nga kasi tayo. Hindi ko alam kung meron nga bang "tayo", ang alam ko lang meron "ikaw" at "ako". 

Napapagod na ako. Napapagod na ako sa iyong mga salita na tila saliwa sa iyong mga pinaparamdam at pinapakita. Napapagod na akong marinig paulit ulit na ayaw mo nang magbyahe pa, habang ikaw naman ang nagmamaneho. Paulit ulit mong sinasabi na ayaw mong pumasok sa isang relasyon, ngunit tila hindi ka rin naman lumalayo tuwing pilit akong lumalapit. Sinabi mo pa nga na masaya ka kapag kasama ako. Ang gulo gulo mo.

Napapagod na ako. Napapagod na ako sa kakaisip kung ano nga ba ang paniniwalaan ko. Ang iyong mga salita? O ang iyong mga ginagawa? 

Malabo. Malabo ang bintanang aking dinugungaw sa loob ng iyong sasakyan. Malabo, at hindi ko makita kung saan patungo. Kung meron nga bang patutunguhan. 

Malabo. Parang ikaw. Kaya apakan mo na ang preno, itigil mo na ang sasakyan. Bababa na ako.

No comments:

Post a Comment