Wednesday, November 23, 2016

Sa Kapehan

Malamig na yung kape mo. Sinlamig mo. 

Andito ako sa paborito nating kapehan. Parang kanina lang mainit pa yan. Ngunit ngayon malamig na. Kani-kanina lang mainit pa yan. 

Lumamig na lang kakahintay sa’yo. Lumamig na lang kakahintay sa wala. Kung sabagay, hindi mo naman sinabing pupunta ka. Ipinalagay ko lang. Inasahan ko lang. Yun pala umasa ako sa wala. Kung sabagay, sa una palang ay nararamdaman ko nang umaasa ako sa wala. Dahil wala ka namang ipinangako. Wala ka namang sinabing mayroon akong dapat asahan. Dahil wala naman talaga. Sa una palang ay wala na. Pero umasa pa rin ako. 

Para kang kape. Sa simula ay mainit pa. Pinapainit ang aking mga gabing malalamig sa pamamagitan ng mga yakap at halik mo. Kung saan ang mga braso’t bisig mo ay nakapulupot sa akin, habang nagkkwento ka tungkol sa iyong buhay, tungkol sa iyong kabataan, at tungkol sa kung ano ano pa. Naaliw naman akong makinig sa’yo. 

Para kang kape na sa tuwing umuulan ay pinapawi mo ang lamig at lungkot na nararamdaman ko. Kahit hindi tayo magkasama. Kahit kausap lang kita at hindi nakikita. Para kang kape na pinapagaan ang pakiramdam ko. 

Para kang kape. Para kang kape na binigyang sigla ang buhay kong napaka-tamlay. Para kang kape na gumising sa aking natutulog na damdamin at kaluluwa. 

Ngunit tulad ng kape, hindi kalaunan ikaw ay naging malamig na rin. Nawala na ang init na dala mo sa aking buhay at napalitan ng lamig. Dahil nanlalamig ka na sa akin.

Parang kape. Ang ating mga alaala ay parang kape kung saan nag-aagaw ang tamis at pait. Tamis, sa tuwing maalala ko ang iyong mga ngiti sa tuwing magkasama tayo. Tamis, sa tuwing maalala ko ang mga panahon na tayo ay nagkkwentuhan at nagtatawanan. Tamis, sa tuwing maalala ko ang pag-upo natin sa tabing dagat, ang mga paggagala natin sa kung saan saan, ang mga umagang ginugol sa pagtakbo, ang mga agahan, tanghalian, at hapunang pinagsaluhan, pati na rin ang mga inuman. Tamis, sa tuwing maalala ko ang mga panahong ikaw lang ang aking nasasandalan, at nariyan ka para sa akin, at hindi yung napipilitan lang. 

Nag-agaw ang tamis at pait. Ngunit nanaig ang pait. Pait, sa tuwing maiisip kong wala ka na sa buhay ko tulad ng dati. Pait sa tuwing maiisip kong ang lahat ng oras at panahon na ating ginugol ay bahagi na lamang ng nakalipas na. Pait, sa tuwing maiisip ko na ang lahat ng mga panahong ito ay wala na, hindi na kailanman mauulit, at mananatiling mga alaala na lamang. 

Andito pa rin ako sa kapehan. Malamig na yung kape mo, at wala ka pa din. Hindi ka dumating. Hindi ka na darating. At kailangan ko nang umalis.

No comments:

Post a Comment